0
Tuwing December 16, nagsisimula ang taunang siyam na gabing misa bago magpasko na tinatawag nating Simbang Gabi.  Pare-pareho ang kasaysayang lagi nating naririnig ukol sa Simbang Gabi:  Na inimbento raw ito ng Santo Papa para sa mga Pilipino para ang mga magsasaka, na gumigising ng mas maaga, ay makadalo sa misa.  Tinatawag din natin ito na “Misa de Gallo” dahil sa isang sikat na kanta.

Hindi natin inakala na mali pala ang mga impormasyong ito dahil sa kakulangan sa pag-aaral ukol dito.
Ang kakulangan sa pag-aaral ukol sa Simbang Gabi ay pinunan ng dating archivist ng Unibersidad ng Sto. Tomas na si Padre Fidel Villaroel, O.P. sa kanyang papel na pinamagatang “The Aguinaldo Masses:  Origins, Setbacks and Survival.” 

Ayon kay Villaroel, ang mga misang ito, dahil hindi naman bahagi ng mga regular na iskedyul ng mga misa bagkus ay para sa isang espesyal na okasyon o intensyon ay maihahanay sa mga misang “votive.”  Samakatuwid ang Simbang Gabi ay misang votive para kay Sta. Maria, ang Ina ng ating Panginoong Hesukristo.  At dahil siyam na araw itong ginagawa, maituturing din itong isang uri ng nobena, o novemdiales, nine days. 

Sa Espanya, tinatawag din ang Simbang Gabi na Misa de Aguinaldo.  Not to be confused sa Misa de Gallo o misa ng manok na tumutukoy lamang sa misa na isinasagawa sa tuwing hatinggabi ng December 24.  Kahit sa sikat na kanta ukol sa misa de Gallo, ang binanggit lamang ay ginagawa lamang ito “sa tuwing pasko” at hindi naman sinabi na sa siyam na madaling-araw bago magpasko.

Ang Aguinaldo ay termino para sa isang regalong pamasko na ibinigay sa araw mismo ng pasko, bagong taon, at araw ng tatlong mago o epiphany.  Tumutukoy marahil ito sa pasasalamat ng Simbahang Katoliko sa regalong kaligtasan na dulot ng kapanganakan ni Hesus bilang isang tao at pasasalamat na rin sa Diyos sa buhay ni Sta. Maria. 

Sinasabing nagsimula ang tradisyon ng Simbang Gabi hindi sa Pilipinas tulad ng unang nahinuha kundi sa Espanya noong mga huling dekada ng ika-16 na siglo.  Ayon sa Espanyol na misyonerong Heswita sa Pilipinas na si Padre Pedro Murillo Velarde sa kanyang aklat na Cursus Juris Canonici Hispanici et Indici, may isang lumang teksto na nagsasabing si Pope Sixtus V na naging Santo Papa noong 1585 hanggang 1590 ang siyang nagbigay ng plenaryang indulhensya sa mga dumadalo sa mga misang tinatawag sa Espanyol na Misa de Aguinaldo. 

So ayun, ibig sabihin, bago pa ang 1585, popular na tradisyon na ito sa Espanya. 
May mga dokumento ng mga ulat kung paano ito isinasagawa, maging ng ilang abuso sa pagsasagawa nito ang Presbiterong si Diego Diaz de Escobar ng Sevilla noong 1676, at si Padre Juan de Arjona Valle ng Granada noong 1681.  At dahil sa kolonyalismo, nadala nila ito sa Mexico at siyempre sa Pilipinas. 

So ibig sabihin, mayroong matindi-tinding dokumentasyon na sa Espanya talaga ang orihinal na pinagmulan ng Simbang Gabi. 

Ang paniniwalang nagsimula sa Pilipinas ang mga misa na ito ay dahil sa ulat ni Padre Francisco Ignacio Alcina na nagsabing ang mga Simbang Gabi ay una niyang nakita sa Mexico at hindi sa Espanya, “Que en España yo no lo vi.”  Anuman, baka hindi lang niya nakita sa Zaragoza kung saan siya nagmula at hindi sa ibang bahagi ng Espanya. 

Anuman ang Simbang Gabi ngayon ay inangkin na ng mga Pilipino at sing-Pilipino na rin ng puto bumbong at bibingka.

Post a Comment

 
Top